Lumalawak na Bilog
Ang Mga Hangin ng Pagbabago
Noong ika-27 ng Mayo 1964, pumanaw ang unang punong ministro ng India, si Jawaharlal Nehru. Si Sir C.P. ay nasa UK noon, dumadalo sa isang kumperensya ng shipping. Martes noon, ika-2 ng Hunyo, dumating ang balitang si Lal Bahadur Shastri ay nahalal bilang bagong lider ng Congress Party at malapit nang gawing ikalawang punong ministro ng India.
Nang bumalik si Sir C.P. sa Mumbai mula sa UK, dala na ng mga pahayagan ang balitang nagkasakit si Ginoong Shastri. Hinimok ni Shri Mataji ang kanyang asawa na pumunta agad sa New Delhi upang alukin ang kanyang serbisyo kay Ginoong Shastri. Matibay ang kanyang paniniwala na dahil may tiwala si Lal Bahadur Shastri sa kanyang asawa, tungkulin niyang tulungan ito sa anumang posibleng paraan.
Ilang araw ang lumipas, habang dumadalo sa isang pulong sa New Delhi, nagkaroon ng pagkakataon si Sir C.P. na dalawin ang gumagaling na si Ginoong Shastri.
Sa mapalad na pagkikitang ito, hiniling ni Lal Bahadur Shastri sa asawa ni Shri Mataji na maging Joint Secretary ng Punong Ministro, upang makipagtulungan sa serbisyo sa bansang India.
![]()
Ipinakikilala ni Shri Mataji ang mga bisita kay Lal Bahadur Shastri sa Mumbai.
Sa talambuhay ni Lal Bahadur Shastri, a Life of Truth in Politics, naalaala ni Sir C.P., “Tuwing kaming dalawa ay bumibisita kay Punong Ministro Shastri, madalas siyang makipag-usap sa kanya tungkol sa mga santo at pantas at tungkol sa relihiyon at espiritwalidad, mga larangang kanyang lubos na nalalaman, hinikayat pa niya si Nirmala na sumali sa Indian Congress Party. Gayunpaman, mas hilig ni Nirmala ang patungkol sa espiritwalidad at hindi sa politika."
Sa paglipas ng mga taon, habang abala ang kanyang asawa sa mga gawain ng estado, si Shri Mataji ay isang tahimik na social worker. Nangalap siya ng pondo para sa isang sanatorium malapit sa Chandrapur sa Maharashtra. Naging pangulo siya ng isang samahang tinatawag na 'Friends of the Blind.' Sa Meerut, nagtatag siya ng bahay-tuluyan para sa mga refugee, isang tahanan para sa mga may kapansanan, at tumulong sa isang malaking tahanan para sa mga ketongin.
Noong Oktubre 1969, ikinasal ang unang anak na babae ni Shri Mataji, si Kalpana, kay Prabhat Shrivastav, sa Mumbai.
![]()
Si Shri Mataji kasama ang anak na si Kalpana, sa kanyang kasal
![]()
Si Shri Mataji kasama sina Sir CP at manugang na si Prabhat sa kasal ng anak na si Kalpana
Sa unang bahagi ng Oktubre 1970, malubhang nagkasakit ang ina ni Shri Mataji. Umuwi siya mula sa isang paglalakbay sa ibang bansa upang dalawin ang kanyang ina at nagulat na nakita niyang masaya naman. Tinanong siya ng kanyang ina kung natagpuan na niya ang gusto ng kanyang ama na makita niya. Kaya sinabi ni Shri Mataji sa kanya na natagpuan na niya ang paraan ng en masse realization. Noong Linggo, ika-11 ng Oktubre, 1970, pumanaw ang kanyang ina, si Cornelia Karuna Salve, sa Nagpur.
Di-nagtagal, inanyayahan si Shri Mataji para sa isang pambungad na paglipad ng Air India patungong Paris, pagkatapos nito ay nagpunta siya sa Tehran upang dalawin ang kanyang nakababatang kapatid na si H.P. Salve, na itinalaga roon ng kompanya ng eroplano. [1].
Habang kasama niya, unti-unting napansin ni H.P. na may nagbago sa kanyang nakatatandang kapatid. Sa katunayan, sa panahong iyon, mayroon na siyang mga 12 tagasunod sa India na naging interesado kay Shri Mataji bilang isang teacher at guru.
Matapos ipagtapat sa kanyang kapatid na noong Martes, ika-5 ng Mayo 1970, tunay ngang nakaranas siya ng isang makapangyarihang pagbabago, ipinahayag ni Shri Mataji ang hangaring bigyan ng self-realization ang ilan sa kanyang mga kaibigang may hilig sa espiritwalidad. Pagbalik nila sa Tehran mula sa isang paglalakbay sa Shiraz, tumawag si H.P. Salve sa ilang kaibigan at nag-ayos ng hapunan na kasabay ng espiritwal na pagpupulong kasama si Shri Mataji. Kinabukasan, mga 20 kaibigan, ilan mula sa press, ang dumalo sa kanyang bahay para sa hapunan, at higit sa lahat, para sa kanilang espiritwal na pagkaunawa.
Ayon sa alaala ni H.P. Salve, “Isang ginoo, si Dr. Divan, matapos matanggap ang kanyang self-realization, tila naglalabas ng bango ng sandalwood mula sa ibabaw ng kanyang ulo. Talagang nagulat ako kung paano naipadala ni Shri Mataji ang ganoong bango sa katawan ng isang tao habang nakaupo siya nang malayo. Samantala, isang babaeng Parsi na dumating gamit ang mga saklay dahil sa matinding arthritis, matapos ang kanyang self-realization, umalis na siya nang walang saklay at nakita pa siyang nagmamaneho ng kotse kinabukasan.”
Kinabukasan, inilathala ng mga nangungunang pahayagang Ingles sa Tehran ang pangyayaring ito bilang balita at sinabi nilang may mga saksi sa nangyari, kaya't maraming tao ang dumagsa upang makita si Shri Mataji. Ayon sa kanyang kapatid, “Napakalaki ng kanyang katanyagan kaya't nang una siyang dumating sa Tehran, ipinakikilala ko siya bilang kapatid ko, ngunit noong umalis siya, ako naman ang ipinakikilala bilang kapatid niya.” Di-nagtagal, si H.P. Salve ay tatawagin nang Babamama, isang magiliw na termino para sa "kapatid ng ina."